Friday, November 13, 2015

Balitang pusa

Ipaliwanag ninyo nga sa akin kung bakit ang galing pumuwesto ng mga pusa para matapakan mo sila o kaya ay matapilok ka dahil sa kanila.

Hide-y posing for her potrait.
Naipit ko na ang ulo ni Hide-y sa pull-out cabinet. Ang buntot niya sa sliding door. Natapakan ko na rin ang paa niya. Natadyakan ko na rin siya habang naglalakad ako. Natapakan ko na rin ang hind leg niya dahil pumuwesto pala sa tabi ng paa ko.

Bakit ba ipinanganak yatang naghahanap ng sakit ng katawan ang mga pusa? Mabuti na lang marami silang buto at di masyadong madaling mabalian.

Kung minsan natutulog siya sa tabi ko kapag gabi pero alam kong lumilipat siya sa ibang lugar kapag tulog na ako. Kapag araw sa likod ng mga libro ko siya pumupuwesto. Kailan lang inangkin na niya iyong doormat na parking sana ng mga rubber shoes ko at tsinelas. Nilabhan ko na lang at inilipat ng lugar para kanya na talaga. Ayun, doon niya hinihimod ang mga kasu-kasuan niya habang sinusulat ko ito.
Hide-y asking for fish
Eniwey haywey, masayang kasama si Hide-y. Nakabakasyon ako kaya nasusulit ko ang mga araw kasama siya. Balik trabaho na ako sa Lunes at sana ay hindi masyadong magbago ang routine namin.

Dinala ko kanina siya sa UP, malapit sa vet-med. Gusto ko lang sana siyang maglaro ng mga dahon dahil iyon ang paborito niyang pasalubong. Mantakin mo ba namang ayaw humiwalay sa akin at kung makakunyapit sa leeg ko ay parang wala siyang kuko.

Takot siya sa tunog ng sasakyan. Pati yata sa paru-paru ay takot ito. Di bale, sasanayin ko siya sa labas kahit paano para maisama ko kapag road trip ako.

Kung hindi, patuturuan ko na lang siyang lumangoy.  O kaya ay magsalita.

2 comments:

  1. So happy for the cat. It has a person who will let it be, but for sure it won't let you be. It will change you. Got a Siamese cat last May too. I didn't like cats before I got her too. Then I had to let her go. Hey that's something I can write about.

    ReplyDelete
    Replies
    1. Tama ka, cats change people. Why'd you let her go? :(

      Delete