Dahil birthday ko, nagplano ang mga junakis ko na maghanda. Sinikap nila akong gulatin ng kung anu-anong gimik (pinalamutian ang cube ko) at naghanda ng pagkain para sa aming pulong.
Eto ang sukli ko sa kanila. Isang malaking salamat at sermon.
Dear staff,
Hayaan ninyo akong magsalita nang malaya hindi bilang nakatataas sa inyo, kundi bilang isang tao na mas nakatatanda.
Una, maraming salamat sa handa at palamuti kanina para sa kaarawan ko. Alam kong hilahod na kayong lahat sa trabaho at bagyo, pero nagawa pa rin ninyong pag-ukulan ako ng oras para pasayahin.
Pangalawa, huwag ninyong kalimutan kung sino at ano ako: Ako ang orihinal na anak dalita. Ako ang orihinal na patay-gutom sa buong network. Isa ako sa apat na tagapagmana ng pagdarahop ng aking mga magulang.
Ito, drama ito. Ilabas ang puting panyo!
Nang mapatay sina Tatay at Lolo, limang taong gulang pa lang ako (at marahil ay nagliligawan pa lamang ang mga magulang ninyo).
Ibinenta ng aming ina ang aming bahay at tumira kami sa tindahan ng aking Lolo. Isipin ninyo ang espasyong 20 metro kuwadrado, tumutulo ang bubong kapag umuulan, sing-init ng lumang impyerno ang bahay kapag tag-init.
Sa kabilang panig ng highway kami nag-iigib ng tubig. Ang kubeta ay walang bubong, at masisilipan ka ng buong baryo kung nanaisin nila.
Ang isang piraso ng isda (bihira itong mangyari), ay hahatiin sa lima. Madalas ang ulam namin ay ang tinatawag kong damo – mga gulay – na nilunod sa sabaw na may bagoong.
Ang karne ay halusinasyon. Magkakaroon ka nito kapag lumuhod ang mga tala.
Lumuluhod lang sila kapag may ikakasal, o may sakit ang mga baboy at kasali ka sa napiling tutulong sa pagkatay ng baboy.
Pero maraming beses din naming naranasan na kahit bagoong ay wala, kaya ang sapal nito ay aming tinutubigan para aming mapiga.
Matapos ibenta ang aming lupa at bahay, itininda ng aking Nanay ang motorsiklo ni Tatay. Binigyan niya kami ng ilang piso. Di ko alam kung papremyo o balato, pero ang naisagot ko sa kanya ay ang malutong na “Ubos-ubos biyaya, bukas nakatunganga.”
Marahil hindi niya iyon ikinatuwa dahil ang sumunod na nangyari ay ipinamigay na niya ako sa aking Ninang sa Batangas.
At doon nagsimula ang ilang taon kong pamamalagi sa iba’t ibang kamag-anak.
Pero seryoso, walang “sustainability” ang ganoong klase ng paghawak ng pera. Kahit paslit pa lang ako, alam kong hindi magtatagal ang pinagbentahan ng aming kakaunting ari-arian.
Kung alam ninyo ang lalim ng lumbay nang malayo sa pamilya at makitira sa ibang bahay, mauunawaan ninyo kung saan nagmumula ang mga susunod na sasabihin ko.
Huwag kayong mag-aksaya ng pera.
Pinaghirapan ninyo ang bawat sentimo ng inyong suweldo.
Katumbas ng bawat sentimo ang pawis, puyat, pagod, peligro sa trabaho, at madalas na sermon ko para inyong makita ito sa payslip tuwing suweldo.
Parangalan ninyo ang inyong mga magulang na naghirap at nagsakripisyo para makapag-aral kayo…sa pamamagitan ng paggastos para sa mga makabuluhang bagay lamang.
Ang inyong ginastos para sa palamuti at pagkain ay sapat na para magkaroon ng pamasahe sa loob ng 10 buwan ang isang mag-aaral na nagsisikap magtapos.
Sa inyong ginastos, isang Aeta sa bundok ng Pampanga ang may P500 bawat buwan para matapos niya ang kanyang kurso. At kung makapagtapos siya, ilang henerasyon ng Aeta ang kanyang matuturuang magbasa at magsulat?
Noong ako ang nasa kolehiyo, bago ako natigil, ilang linggo akong sumulat sa kung sinu-sinong Herodes, nagsusumamo sa langit na sana may tumulong sa akin para makapagtapos.
Walang dumating na tulong.
Alam ninyo na ang bawat isang tao na nakapagtapos ay malaki ang tsansa na paplanuhin ang bilang ng mga anak, at bawat isa ay kanyang sisikaping mapagtatapos.
Ilang henerasyon ang buting madadala nito…kung may isa kayong magagabayan hanggang makapagtapos.
Kung ang bawat isa sa atin, tuwing kaarawan, ay sa ganitong adhikain dinadala ang pera, di ba’t mas malaki ang tsansa na mas iinam ang susunod na henerasyon?
Tandaan din ninyo na ang mga anak ninyo ang makakasama ng mga batang kaedad nila. May pagkakataon kayo para makatulong at tiyakin na ang mga kasabay nila sa jeep ay nag-aaral din at hindi naroon lang para manamantala.
Nasa kamay ninyo ang pagkakataon para makatulong. Huwag ninyong sayangin.
Nasa kamay ninyo ang pagkakataon para makatulong. Huwag ninyong sayangin.
Naniniwala akong kaya ninyong tumulong nang organisado para matiyak na ang isang bata ay makapagtapos sa P250 kada tao, kada taon.
Kahit isa lang, malaking tulong na sa isang komunidad.
Huwag ninyong kalilimutan, kahit saglit, na kahit ang barya ay may maitutulong sa mga batang minsan, ay ako noon.
Gamitin ninyo ang bawat piso ninyo para matuto, may mabasang bago, may mapuntahang bago, o may matulungang ibang tao.
Tiyak kong wala ni isa sa inyong mga magulang at kamag-anak ang magsasabing mali kayo sa desisyong ito.
Iyan ang mga dahilan kung bakit ang mga okasyon gaya ng kaarawan ay hindi ko sinasalubong ng kahit simple o magarbong paraan: Marami sa ating bansa ang naghihikahos at namumuhay nang wala pang isang dolyar sa isang araw.
Naninirahan tayo sa isang bansa na milyon ang matutulog nang kumakalam ang sikmura, at ang susunod na pagkain ay pangarap lang.
Sa bawat araw, sa bawat oras, sa bawat okasyon, huwag natin silang kalimutan.
Huwag maging paibabaw o palalo ang ating pamumuhay.
Kayong mas nakakaunawa at mas nakaaalam ang may pagkakataon para makatulong. Pumili kayo ng isang batang may potensiyal at makatutulong sa komunidad, at siya ay inyong tulungan.
Maraming salamat sa pag-aabala at paggastos. Pero sa susunod, kung ako ay bibiyayaan pa ng dagdag na taon…sulat na lang. Mas mahalaga sa akin iyon. Mas itinatago ko iyon.
Pangako ko’y ako na lang ang bibili ng pandesal at palaman para sa birthday ko para sa inyo.
Ikinararangal ko ang inyong kabutihang loob at pagnanais na ako’y mapasaya. Maraming-maraming salamat.
But let us not forget where the country is, and where we want to take it.
Ikinatutuwa ko ang piyesang ito.
ReplyDeleteIkinagagalak kong nakilala kita, "ate ko". biyaya kang maituturing sa amin na madalas ay nagiging palalo at bihag ng mabilis at mapanuksong indayog ng panahon. salamat sa paalala. salamat sa pagpapahalaga sa amin - pagpapahalang nagiging tulay upang mahugot mo mula sa iyong mayamang nakaraan, ang paalalang marami kaming pwedeng iambag sa ikaiigi ng ating bansa at kinabukasan nito, kahit sa tinatawag nating maliit na pamamaraan.
kailangang mag-ipon ng pera at gumawa ng mga kaaya-ayang gawain na hindi para sa sarili lamang, para sa pangarap na magandang kinabukasan ng susunod na salinlahi.
Ikaw ang biyaya sa iyong kaarawan, ate ko.
Panalangin ko ang pagdami ng tulad mo.
Maraming salamat, Incognito. Sisikapin kong hindi ka magkamali sa opinyon mo tungkol sa akin. :D
DeleteGrabe. Binasa ko mula beginning until the end. Masakit. The kind that draws out the best in a person.
ReplyDeleteTama. Sulat nalang. Bibigyan sana kita ng bagong motorsiklo.
Belated. :-)
Ito ba yung kahirapang iniyakan ng ating Pangulo nung SONA?
Nooooo! Gusto ko ng Vespa. Bigyan mo ako ng Vespa!
ReplyDeleteKung alam lang ng Pangulo natin ang ganitong desperasyon, mas mauunawaan niya ang masa at hindi siya magiging palalo. Mas mag malasakit siya sana.