Dear kapwa Pinoy,
Di ko talaga maunawaan kung bakit ka bumibirit sa hatinggabi, sa umaga, sa tanghali. Para kang adik sa seks kung pagnasaan mo ang mikropono. Di ko talaga maunawaan kung bakit parang malaking krimen laban sa karapatan mo kung hihinaan ang ingay mula sa iyong ngala-ngala.
Ano man ang oras, ano man ang okasyon, halos laging kailangang tapusin sa pagkanta.
Ang sabi nila, 99% ng Pinoy ay kumakanta.
Ako marahil ang kumakatawan sa 1% na hindi saliw sa tugtog na ito.
Bakit, pag nauso ba ang sore eyes, dapat meron din ako?
Balik tayo sa iyo. Bakit mo kailangang kumanta? Bakit kung kumanta ka, kasing tindi ng iyong paninindigan sa pagbabalik ng tambalang Guy en Pip? O John Lloyd at Bea?
Iyan ba ang nakikita mong plataporma sa pag-unlad ng iyong buhay? Iyan ba ang tinta na matutuyo sa pagpirma mo ng kontrata sa isang recording company?
Sige, sana kunin ka ng Decca.
At bakit ba dapat kapag kumanta ka ay dinig ng susunod na barrio o sitio, hanggang sa kasuluk-sulukan ng lungga ng langgam sa ilalim ng lupa? Bakit? Nakakabulahaw ka. Sa probinsiya namin, binabato ang bubong ng maingay. Pinag-tsitsismisan kinabukasan sa tabi ng tumpok ng dahong winalis at sinusunog.
Bakit ba ang Christmas party, kailangang sa videoke gawin? Ang sikip ng kuwatro sa videoke, anyametten! Ang trapik pati pag Disyembre. At bakit pagkanta ang numero uno sa listahan? Bakit hindi kamustahan? Bakit hindi kuwentuhan? Bakit hindi trip to Jerusalem? Bakit hindi basagan ng itlog?
At bakit din ba kailangang pilitin mong kumanta ang mga taong hindi talaga ito ang hilig o kaya ay inabandona ng tamang tono ang pagkatao? Bakit tuwang-tuwa ka na ipagpilitan na kumanta rin ang ayaw?
Ano ba ito, isang relihion? Let's worship the same Baal ba ang kampanya ngayon?
Gaya ng sore eyes, di ko gustong makiuso. Ayokong kumanta ng may tangan na mikropono. At gaya rin ng sore eyes, huwag kang manghawa.
Ang buhay ay kanya-kanyang droga lang.
Pero iyang droga mong videoke, nakakaistorbo ng kapwa. Ang kalayaan mong mag-videoke ay singlawak lang ng decibel ng di aabot sa aking pinto at bintana.
No comments:
Post a Comment